INIHAIN na ng pulisya ng San Jose del Monte City Police Station sa pisklaya ang kasong homicide laban sa barangay chairwoman at apat pang opisyal ng barangay na nagparusa at sapilitang nagpainom ng 10 bote ng gin (Ginebra San Miguel) sa dalawang constituent, na ikinamatay ng isa, dahil sa napulot na kapirasong yero nitong kasagsagan ng bagyong Glenda sa lungsod na ito sa Bulacan.
Kinilala ang mga opisyal ng barangay na sinampahan ng kasong homicide sa piskalya na sina barangay chairwoman Laarni Contreras, mga barangay kagawad na sina Roy Vincent Española at Rey Medina, tanod chief Henry Malincon at tanod Ruben San Diego.
Ang sapilitang pagpapainom ng 10 bote ng gin kina Abundio Baltazar, 46, na kanyang ikinamatay; at kay Edgardo Villano, 45 anyos, nakaligtas sa barbarikong parusa nitong Hulyo 16 ay ikalawang pagkakataon na ipiinataw sa kanila ng kampo ng anila’y ‘berdugong’ chairwoman na si Contreras.
Sa ulat na nakarating kay Chief Supt. Charlie Cabradilla, chief of police (COP) ng CSJDM nabatid na noong Hulyo 16, kasagsagan ng bagyong Glenda nakapulot ng yero si Abundio at ang kaibigang si Villano, sa loob ng Sarmiento Townville sa Barangay Poblacion 1, CSJDM.
Dakong 11 am, habang ini-aalok nina Abundio at Villano ang kapirasong yero sa isang kapitbahay, kinaon sila nina barangay kagawad Rey Medina at Roy Vincent “Clinton” Española para imbitahan sa Barangay Hall dahil isinuplong sila ng isang alyas Palab na ‘nagnakaw’ umano ng yero.
Dahil wala naman kasalanan, mapayapang sumama sina Abundio at Villano sa dalawang barangay kagawad sa barangay hall.
Pagdating doon, isinailalim sila sa interogasyon ng barangay chairwoman na si Contreras, kung bakit nila ipinagbibili ang kapirasong yero na ayon sa dalawa ay napulot nila.
Nang isagot ng dalawa na ipambibili nila ng gin, agad inutusan ng chairwoman na bumili ng 10 gin ang chief tanod na si Malincon at isang tanod na si San Diego.
Habang binilinan ni Contreras sina Abundio at Villano na huwag aalis dahil ‘wala pang complainant.’
Pagdating ng 10 bote ng gin, agad inutusan ni Contreras si Malincon at San Diego na bigyan ng tig-isang bote ng gin ang dalawa at ipaubos sa kanila.
“Ubusin n’yo ‘yan, huwag kayong uuwi hangga’t hindi ninyo nauubos ‘yan,” utos ni Contreras sa dalawa.
Walang nagawa ang dalawa kundi sundin ang utos ni Contreras dahil ayaw na nilang maulit ang kalupitang naranasan nila noong Disyembre 2012, na sila ay pinainom ng isang alak na long neck, na may mukha ng isang politiko na sinabing ‘karelasyon’ ng chairwoman.
Hindi pa umano barangay chairwoman si Contreras nang panahon na iyon.
Pagkatapos ipaubos ang long neck, binugbog sila ng politikong karelasyon ni Contreras. Hindi umano sila makapanlaban dahil nakabantay ang mga bodyguard ng politiko na pawang nakasukbit ang baril sa bewang.
Kaya nang utusan sila ng chairwoman na uminom ng gin sa pagkakataong iyon, sumunod sila sa takot na bugbugin silang muli.
Uminom ng purong gin ang dalawa kahit hindi pa nakapanananghalian, walang chaser na tubig at nagtiyagang mamulutan ng Kamias.
Dakong 3pm nang araw na iyon, nakitang nakagulapay sa papag na nasa gilid ng barangay hall ang dalawa, walang malay at nilalangaw.
Nang malaman ito ng mga kapatid ni Abundio, agad silang pumunta sa barangay hall para kunin ang kanilang kapatid.
Inabot na ng gabi pero hindi pa rin nagigising, ipinasya ng magkakapatid na dalhin sa ospital si Abundio.
Kinabukasan, Hulyo 17, nagising si Abundio sa ospital na hindi mapakali. Maya’t maya ay naiihi at parang init na init.
Lingid sa kanyang bantay, may sumabog na palang ugat sa puso ni Abundio hanggang dakong 12:30 a.m., nalagutan na ng hininga ang biktima. (HNT)