BINARA ni Senador Chiz Escudero si Department of Transportation and Communications (DoTC) Secretary Joseph Emilio Abaya sa pahayag na kanyang inaako ang full responsibility sa lahat ng problema sa Metro Rail Transit o MRT.
Ipinaaalala ni Escudero kay Abaya na ang nais marinig ng publiko mula sa Estado ay kung gaano kaligtas sumakay sa MRT.
Isa pang tanong ni Escudero ay kung magbibitiw si Abaya sakaling may mangyari muling aksidente sa MRT.
Pinakamalaking aksidente sa MRT ang nangyari noong Miyerkoles nang mawalan ng kontrol ang isang depektibong tren na bumangga sa barrier sa Taft Avenue station, sa Lungsod ng Pasay, at ikinasugat nang mahigit 50 katao.
Bilang solusyon, ipinanukala ni Escudero na bilhin muli ng gobyerno ang Mass Transit System sa MRT holding at ibenta sa mas matinong kompanya.
Pumalag din si Escudero sa pagpayag ng gobyerno na igisa ng MRT holding sa sariling mantika ang mga Filipino.
Kinuwestyon din ni Escudero, bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, ang pagbili ng DoTC ng 48 bagong bagon sa halagang P3.8 billion samantala responsibilidad ito ng MRT holdings.
Una rito, hiniling ni Escudero kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na i-repaso ang performance ni Abaya bilang Transportation Secretary.
Naniniwala si Escudero, bukod sa sistema ay may problema sa liderato ng DoTC. (NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)