IPRINOPROSESO na ng Bureau of Immigration (BI) ang repatriation ng pitong tsekwa na na-rescue mula sa nasunog at lumubog na barko sa karagatang sakop ng Tawi-Tawi, nitong Miyerkoles.
Ayon kay BI Spokesperson Atty. Elaine Tan, nagsimulang nakipag-ugnayan ang Chinese Embassy para sa agarang repatriation ng mga dayuhan na kinabibilangan ng limang Chinese mainland at dalawang Hong Kong residents na nananatili sa BI office sa Palawan.
Ipinaliwanag ni Tan, papayagan ang mga dayuhan na makabalik sa kanilang bansa dahil wala silang nilabag na batas at mayroon kaukulang mga dokumento.
Gayon man, hindi pa tiyak kung sino ang gagastos para sa pasahe sa eroplano bagama’t kadalasan sa mga ganitong kaso, ang gumagastos ay ang embahada.
Lumubog ang Chinese vessel nitong Miyerkoles sa layong 18 nautical miles Timog Silangan ng Mougligi Island sa Mapun, Tawi-Tawi.
Nailigtas ng napa-daang fishing boat na F/B King and Queen ang mga sakay.
(LEONARD BASILIO)