SIYAM na bala ng hindi malamang kalibre ng baril ang tumapos sa buhay ng isang hindi nakikilalang Pakistani national sa Baseco Compoud, Port Area, Maynila, kahapon.
Ayon kay PO3 Dennis Turla, ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS), nawawala ang wallet ng biktima kaya hindi nalaman ang pagkakakilanlan na nasa pagitan ng edad 25 hanggang 30, nakasuot ng asul t-shirt, at jogging pants, may “SIDHU” tattoo sa kaliwang braso.
Sa impormasyon mula kay Khannafhey Ali, 61, ng Blk. 18 Extension, Baseco, Port Area, Maynila, dakong 2 :30 a.m., nakarinig siya ng sunud-sunod na putok pero hindi niya pinansin hanggang kinaumagahan ay nakita ang bangkay ng biktima, tadtad ng tama ng bala ng baril sa katawan.
Sinabi ni Turla sa kanyang imbestigasyon, bago ang krimen ay may nagtanong sa biktikma kung nagpapautang ng pera, hindi ang sagot ng biktima, sabay sinabing taga-Quiapo siya at 10 taon nang nananatili sa bansa.
Inaalam ng pulisya kung hinoldap ang biktima na nanlaban kaya pinatay.
Nasa pangangalaga ng St. Rich Funeral ang bangkay para sa awtopsiya at safekeeping.
(LEONARD BASILIO)