INALIS ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nadiskaril na bagon ng MRT mula sa crash site sa kanto ng EDSA at Taft Avenue, Pasay City kamakalawa ng gabi. (ALEX MENDOZA)
INIHAIN na sa Senado ang isang resolusyon na naglalayong imbestigahan ang nangyaring aksidente sa tren ng MRT 3 sa EDSA-Taft station na ikinasugat ng halos 40 pasahero.
Sa Senate Resolution No. 839, iginiit ni Sen. Sonny Angara na dapat busisiin ang public and mass transport system sa bansa dahil nakasalalay rito ang kaligtasan ng mga pasahero.
Batay sa impormasyon na natanggap ni Angara, chairman ng Senate committee on ways and means, mistulang inaasahan na ang aksidente sa MRT dahil overloaded kung maituturing ang araw-araw na pagbiyahe nito.
Nakadisensyo aniya ang tren sa 350,000 pasahero bawat araw ngunit umaabot ito sa kalahating milyon at maraming eksperto na ang nagbabala sa kaligtasan at maintenance ng MRT.
Tinukoy ng senador ang mga naitalang aberya ng MRT mula noong 2012 kabilang nangyaring short-circuit na naging dahilan ng sunog sa isang bagon ng MRT sa Kamuning station noong Nobyembre 2012, shutdown noong Oktubre 2013 at ang biglaang paghinto ng tren sa Ayala station na sampung pasahero ang nasaktan. (N. ACLAN/C. MARTIN)