NASA CONCERT NI JIMMY JOHN SI YUMI PARA SA COVERAGE AT HINDI TAGAHANGA
Nang gabing iyon, sa labas ng pagkalaki-la-king coliseum ay patuloy na dumadagsa ang tao. Nagkakatulakan at nagkakabalyahan ang isa’t isa sa pagsisiksikan. Hindi magkamayaw ang lahat. Nakabibingi ang malalakas na tilian. Pero ubos na ang tiket at wala nang malulugaran ang naghahangad makapasok sa loob ng coliseum. Apaw na sa mga manonood ang gene-ral admission lower, upper box, lower box pati na ang eksklusibong pang-VIP patron.
Sa loob ng coliseum, bago pa magsimula ang pagtatanghal ni Jimmy John Robinson sa napaka-eleganteng entablado ay mataas na mataas na ang enerhiya ng mga tagahanga ni-yang nagtitilian, nagluluksuhan at nagpapalakpakan. Umaalingawngaw ang “Jimmy John” na tuloy-tuloy na isinisigaw-sigaw ng tila iisang tinig. Sa grupo ng mga kababaihan at kabadi-ngan ay may nagpalipad-hangin pa ng mga pakawalang damdamin gaya ng “I love you, Jimmy John!” at “Handa kitang paligayahin, Jimmy John!” At ang lahat ng iyon ay nasaksihan ni Yumi at nakuhanan ng video footage ng dalawang camera man na kasama niya.
Reporter si Yumi ng isa sa mga dambuhalang TV network sa buong bansa, siya ang itinalaga ng kanilang kompanya na magsagawa ng full coverage sa concert ni Jimmy John, ang pinakasikat na singer/pianist sa kasalukuyan. Mahal niya ang napiling career sa pagtatapos ng MassCom sa Unibersidad ng Pilipinas. Ibini-bigay niya sa trabaho ang lahat ng makakaya. At iyon ang pangunahing dahilan kaya balewala sa kanya ang hirap at pagod.
Matapos ang foggy effects at pyrotechnics display ay nahawi ang makapal na kurtina ng stage. Pinailawan si Jimmy John ng spotlight sa pasimulang bilang nito sa pagtatanghal ng concert sa coliseum. Awtomatikong umabante at tumigil sa pinaka-sentro ng entablado ang upuan at piano nito, inaakompanyahan ang sarili sa pag-awit ng “Till The End Of Time.” Sinalubong ito ng masigabong palakpakan ng mga manood. At biglang nangatahimik ang lahat — buong puso’t kaluluwang ninanamnam ang kada tiklado ng pia-no at ang tinig na pumapailanlang sa pag-awit.
Halos matulala si Yumi sa paghanga kay Jimmy John.
“Superb performance!” ang komento ng isang batikang singer na nainterbyu niya sa VIP patron box. (Itutuloy)
ni Rey Atalia