ISINULONG ng isang senador ang panukalang dagdag sa minimum na sahod ng public school teachers at non-teaching personnel.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2351, nais ni Senadora Loren Legarda na iangat sa P25,000 mula sa kasalukuyang P18,549 kada buwan ang sweldo ng pampublikong mga guro sa elementarya at sekondarya.
Habang nais maging P15,000 ang kasalukuyang P9,000 kada buwan na minimum salary para sa non-teaching personnel.
“This bill aims to raise the salary of public school teachers and its non-teaching personnel to ensure that the State fulfills its responsibility of ensuring adequate compensation for teachers,” ani Legarda.
Layon din ng panukala na maiwasan o mapigilan ang paglabas ng bansa nang mahuhusay na mga guro kapalit nang mas magandang oportunidad.
Alinsunod aniya sa Republic Act 4670, o ang Magna Carta for Public School Teachers, protektado nito ang mga karapatan ng public educators sa disenteng sweldo para maiangat ang pamumuhay ng kanilang pamilya.
“The country can only move forward in the global knowledge economy if government ensures that it invests enough on improving its human capital,” giit ni Legarda. (ROWENA DELLOMAS-HUGO)