PINAGHAHANAP ng mga awtoridad ang isang dating konsehal at kakutsabang babae matapos akusahan ng panghahalay sa isang dalagita sa Malabon City, iniulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ang suspek na si Eddie Nolasco, 60, dating kapitan ng Brgy. Potrero at tatlong terminong naging konsehal ng nasabing lungsod.
Kinasuhan si Nolasco ng paglabag sa Sec. 4 A at B, Qualified Trafficking (Sec. 55D/RA 9208 – Anti-Ttrafficking in Person) sa Malabon Prosecutor’s Office.
Hinahanting din ang kakutsabang nakilala sa alyas Karen Mawac, kilala rin sa tawag na Vannessa, siyang nagsilbing booker sa nasabing krimen.
Ayon kay Sr. Supt. Severino Abad, hepe ng Malabon Police, nitong Agosto 11 naganap ang insidente sa loob ng isang talyer na pag-aari ng suspek.
Kasama ang ina at lola ng biktimang itinago sa pangalang Rizza, 15, lumuluhang isinalaysay ang ginawang panghahalay sa kanya ng dating konsehal.
Nagtungo si Mawac sa bahay ng biktima sa Mangustan St., ng nasabing barangay, sinundo ang dalagita pero hindi pinayagan ng ina dahil gabi na.
Ilang minuto ang nakalipas, nakatanggap ng text message ang biktima mula kay Mawac na sinasabing lumabas ng bahay at magkita sila sa talyer na malapit sa kanila.
“Kumatok si Vanessa (Mawac) sa gate ng talyer at ang nagbukas pa nga ay si Councilor Nolasco,” pahayag ng biktima sa kanyang sinumpaang salaysay.
Nang makapasok sa compound ng talyer, dinala ang dalagita sa isang kuwarto saka pinaghintay hanggang pinainom ng juice at nahilo.
Dito na ginahasa ng suspek ang biktima na nanghihina.
Pagkatapos ay binigyan ng P1,000 ang biktima saka pinaalis.
Ayon sa biktima, natatakot siya dahil madalas nagpapaputok ng baril ang suspek tuwing malalasing.
Pinilit ng pahayagan na kunin ang panig ni Nolasco ngunit hindi siya makontak.
(ROMMEL SALES)