PINAGPAPALIWANAG ng Malolos Regional Trial Court ang National Bureau of Investigation (NBI) sa isyu ng atrasadong paglilipat kay retired Maj. Gen. Jovito Palparan sa Bulacan Provincial Jail.
Ayon kay Malolos RTC Branch 14 clerk of court, Melba Agustin-David, nais malaman ng korte ang tunay na rason ng NBI lalo’t nabigyan na nang sapat na panahon para ipatupad ang commitment order.
Magugunitang agad iniutos ni Judge Teodora Gonzales na ilipat si Palparan sa regular jail, makaraan maaresto ng pinagsanib na pwersa ng NBI at AFP sa Sta. Mesa, Manila kamakailan.
Nakahanda ang hukuman na pakinggan ang sinasabi ng NBI na security matters na dahilan ng delay sa paglipat kay Palparan, ngunit kailangan itong gawing pormal at ihain sa kanilang sala.
Ngunit dahil holiday kahapon sa Malolos, posibleng sa Lunes na maipatupad ang standing order ng hukuman.
TRIAL BY PUBLICITY BINATIKOS NG EX-GENS
BINATIKOS ng 800-members ng Association of Retired Generals and Flag Officers (AGFO) ang sinasabing ‘trial by publicity’ na ipinupukol ng ilang mga militanteng grupo kay retired Maj. Gen. Jovito Palparan makaraan maaresto ang dating heneral nitong Martes sa bahagi ng Sta. Mesa sa lungsod Maynila nang pinagsanib na pwersa ng Naval Intelligence Service Forces at National Bureau of Investigation (NBI).
Si Palparan ay nahaharap sa kasong serious illegal detention bunsod sa pagkawala ng dalawang estudyante ng University of the Philippines (UP).
Sa ipinalabas na official statement ng AGFO sa pamamagitan ng kanilang presidente na si retired Lt. Gen. Edilberto Adan, sinabi ng grupo na karapatan ng dating heneral na sumailalim sa due process at hayaang idepensa ang kanyang sarili sa korte.
Sinabi ni Adan, sa ngayon ay itinuturing pa rin inosente si Palparan dahil hindi pa nadedesisyonan ng korte ang kanyang kaso.
Iginiit ni Adan na sana ang kaso ni Gen. Palparan ay hindi maiugnay sa politika.
Inihayag ng AGFO, ang mga propesyonal na sundalo gaya ni Palparan ay humarap din sa paghihirap, at inilagay sa alanganin ang kanyang buhay habang nasa military service pa.