KAPWA patay na nang matagpuan ang isang 63-anyos ginang at 35-anyos niyang anak na babae sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City kamakalawa ng gabi sa insidenteng ayon sa pulisya ay posibleng kaso ng parricide at suicide.
Hinihinala ng mga imbestigador na pinatay sa saksak ni Arsenia Carabeo, 63, ang kanyang anak na si Joanne bago siya nagpakamatay, ayon kay Supt. Osmundo de Guzman, commander Quezon City Police District Station 1.
Natagpuan ng mga imbestigador sa bahay ng mga biktima ang suicide note na sinasabing nilagdaan ng mag-ina, indikasyong kapwa nila nais nang mamatay, ayon kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng QCPD’s Criminal Investigation and Detection Unit.
Ayon sa kasambahay na si Lydia Malaho, nagising siya sa narinig na ungol ng mga biktima.
Nang kanyang siyasatin ay nagulat nang makita si Arsenia na hawak ang kutsilyo habang nakaupo sa rocking chair.
Habang si Joan ay nakahandusay na duguan sa sahig.
Agad tinawagan ng kasambahay ang mga kamag-anak ng mga biktima at isinugod sa pagamutan ngunit idineklarang patay na makaraan ang isang oras.
Inihayag ng pulisya na si Arsenia ay may laslas sa leeg habang si Joanne ay may tatlong saksak sa dibdib.