INASISTEHAN si Pangulong Benigno Aquino III ni Defense Secretary Voltaire Gazmin sa ginanap na ‘Ceremonial Distribution of Assault Rifles’ sa Philippine Army (PA) at Philippine Navy (PN) Marine troops sa AFP General Headquarters Canopy ng Camp General Emilio Aguinaldo sa Quezon City. (JACK BURGOS)
KOMBINSIDO si Pangulong Benigno Aquino III na makakapagbangong-puri na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at lalaya na sa imahe na berdugo, makaraan madakip ng mga awtoridad si ret. Maj. Gen. Jovito Palparan.
“Noong Martes nga ng umaga, nahuli na ang isa sa mga most wanted sa Filipinas, at ngayon ay dadaan na sa tama at makatarungang proseso, para tumugon sa mga alegasyon ng pang-aabuso laban sa kanya. Masasabi na rin po natin ngayon: Kung dati, kinakatakutan ang inyong hanay bilang mga berdugo, ngayon, ginagalang at pinagkakatiwalaan kayo bilang mga tunay na kabalikat ng sambayanang Filipino,” ayon sa Pangulo sa kanyang talumpati sa ‘ceremonial turnover of rifles’ sa Camp Aguinaldo kahapon.
Aniya, dekalidad na rin ang mga kagamitan na hawak ngayon ng mga sundalo at tunay na inaalagaan na ng gobyerno.
“Hinihimok ko kayo: Samantalahin nawa natin ang bawat sandaling ito. Kumapit lang tayo sa katwiran; itutok ang bawat pagkakataon para makapaglingkod nang marangal at mabuti sa ating mga Boss—ang taumbayan—at pihado po: Tuluyan na nating mararating ang Filipinas na matagal na nating inaasam,” sabi pa niya.
Umabot sa 50,629 assault rifles, nagkakahalaga ng P38,402.13 bawat isa ang nabili alinsunod sa AFP Modernization Program.
(ROSE NOVENARIO)