BITBIT ng mga militante ang larawan ng mga biktima na sinasa-bing ipinapaslang ni dating Maj. Gen. Jovito Palparan, sa kanilang muling pagsugod sa harap ng NBI kahapon. Iginiit ng militanteng grupo na panagutin si Palparan sa pagkawala ng dalawang UP students na sina Karen Empeño at Sheryn Cadapan noong 2006, kasabay ng kahilingan na huwag bibigyan ng VIP treatment ang itinuturing nilang ‘Berdugo’ ng mga aktibista. (BONG SON)
INIUTOS ng korte ang paglilipat kay retired Major General Jovito Palparan Jr. sa Bulacan Provincial Jail.
Si Palparan ay nakapiit sa National Bureau of Investigation (NBI) headquarters sa Maynila makaraan maaresto nitong Martes sa Sta. Mesa area.
Siya ay akusado sa pagdukot sa dalawang estudyante ng UP noong 2006 na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño.
Nauna rito, nagtungo sa Malolos Regional Trial Court Branch 14 ang mga ahente ng NBI upang ibalik ang arrest warrant para kay Palparan.
Gayunman, nagpalabas ng isa pang order si Branch 14 Judge Teodora Gonzalez, nag-uutos sa NBI na dalhin sa korte si Palparan at ikulong sa provincial jail.
Sinabi ng NBI agents sa korte, hindi nila dinala si Palparan sa Bulacan dahil ikinokonsidera ang dating heneral bilang high-risk detainee.
Habang sinabi ng Bulacan jail’s warden, maaaring ikulong doon si Palparan at matitiyak ang seguridad para sa dating heneral.
Sa pagkanlong kay Palparan
AFP ‘DI LUSOT SA NBI PROBE
TINIYAK ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi ligtas sa imbestigasyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa report na pagkanlong kay retired Major General Jovito Palparan.
Ayon kay Atty. Rommel Vallejo ng NBI, kanilang kakasuhan ang sino man na mapatutunayang tumulong at nagkanlong sa dating heneral.
Sinabi ni Vallejo, may isinasagawa na rin silang imbestigasyon upang matukoy ang mga taong nasa likod ng pagkanlong kay Palparan.
Una rito, inihayag ni AFP chief of staff General Gregorio Catapang na sigurado siyang walang sundalo partikular sa active service, na tumulong sa puganteng heneral.
NBI TODO-ALERTO VS PALPARAN
TANGING malalapit na kaanak lamang ang pinayagang makadalaw kay retired Maj. Gen. Jovito Palparan sa NBI detention facility sa lungsod ng Maynila.
Ayon sa record ng NBI, may mga naghatid ng pagkain at personal na kagamitan para sa dating mambabatas at sundalo.
Habang walang naging problema sa kalusugan ni Palparan na nanatiling kalmado mula nang siya ay arestuhin kamakalawa hanggang isailalim sa booking procedure.
Nagdagdag ng pwersa ang NBI dahil sa isyu ng seguridad ni Palparan.
Nabatid na maraming banta sa buhay ng retiradong sundalo mula sa panig ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA).
Si Palparan ay inaakusahan ng pagdukot, pagpapahirap at pagpatay sa ilang aktibista, bagay na mariing itinanggi ng dating heneral.
PAG-ARESTO KAY PALPARAN KONSOLASYON SA NDF?
HINDI HINDI inaamo ng Palasyo ang kilusang komunista para bumalik sa hapag ng negosasyong pangkapayapaan kaya dinakip si ret. Maj. Gen. Jovito “The Butcher” Palparan .
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hindi tama na ituring na ang pag-aresto ng mga awtoridad kay Palparan kamakalawa ay bilang pampalubag loob sa National Democratic Front (NDF), dahil ang pagdakip sa retiradong heneral ay nag-ugat sa impormasyon na nakalap ng militar.
“I think it’s also inaccurate to say that the arrest [was] done to please the NDF. It was based on the intel provided by the AFP (Armed Forces of the Philippines). So I don’t think you can relate the arrest of Mr. Palparan as confidence-building measure. It happened. And we’re committed to arrest, apprehend anyone who evades the law,” sabi ni Lacierda.
Itinanggi rin ni Lacierda na may umuusad nang exploratory talks bunsod nang pagdakip kay Palparan dahil wala pa siyang nababalitaan na bubuhayin ang peace talks ng pamahalaan at NDF.
“When you speak of exploratory talks, it’s part and parcel of formal talks. Certainly, the formal talks… The formal talks have not happened yet,” giit ni Lacierda.
(ROSE NOVENARIO)