Sa naganap na unang apat na takbuhan nitong nagdaang Martes ng gabi sa pista ng SLLP ay naipakitang muli ni Babe’s Magic ang kanyang husay sa pagremate lalo na kapag naitabi siya malapit sa balya. Maganda rin ang ikinilos na ni Good As Gold, habang ang paboritong si Mucho Oro ay medyo menos ang itinakbo sa SLLP kumpara kapag nasa Sta. Ana Park siya.
Sa kasunod na laban ay hindi binigo ni Red Heroine ang mga BKs na lumagay sa kanya dahil na rin sa gaan ng laban na nasalihan niya. Puwede nang alagaan ang pumangalawa sa kanya na si Royal Kapupu, kaya huwag na siyang basta iiwan pa.
Sa ikatlong laban ay mahusay na pinatnubayan ni Jeff Zarate ang kanyang dala na si Princess Haya, pero maraming beteranong klasmeyts natin ang nakapagsabi na kapag magkita-kita muli ang grupo nilang anim ay malamang na iba’t-iba ang magwawagi.
Sa ikaapat na karera ay naitawid ni apprentice rider Abraham G. Avila ang dehado niyang sakay na si Oh Minstrel, na biglaang kumuha ng harapan sa medya milya at walang anuman na nang-iwan ng kalaban pagsungaw sa rektahan. Sa pagkapanalo iyan ay nagkalaman ng magagandang dibidendo ang WTA, Pick-6 at Pick-5 na tayaan
Fred L. Magno