PORMAL na ipinahayag kahapon ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes ang lineup ng koponang isasabak niya sa Asian Games men’s basketball sa Incheon, Korea, mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Sa kanyang Twitter account, isinama ni Reyes ang bagong naturalized na manlalarong si Andray Blatche sa koponan sa Asiad, pati na rin sina Jayson Castro, Paul Lee, Jared Dilinger, LA Tenorio, Gabe Norwood, Jeff Chan, Gary David, Ranidel de Ocampo, Marc Pingris, Japeth Aguilar at JuneMar Fajardo.
Inalis sa koponan sina Jimmy Alapag, Beau Belga, Marcus Douthit at Jay Washington.
Hindi sinabi ni Reyes kung ang lineup na ito ay gagamitin din niya sa FIBA World Cup sa Espanya na magsisimula sa katapusan ng buwang ito.
Huling nanalo ng gintong medalya ang Pilipinas sa men’s basketball ng Asian Games noong 1962 at sa huling Asiad noong 2010 sa Guangzhou, Tsina, ay hindi umabot ang Gilas sa semifinals.
Noong 1990 ay tumapos bilang pangalawang puwesto ang Pilipinas sa Asian Games basketball sa Beijing sa pangunguna nina Ramon Fernandez, Samboy Lim at Hector Calma habang si Robert Jaworski ang coach.
Noong 1998 ay ginabayan ni Tim Cone ang PBA Centennial Team sa tansong medalya sa Asian Games sa Bangkok.
(James Ty III)