NAPATAY ang isang armadong lalaki habang naaresto ang tatlo pang kalalakihan makaraan makipagbarilan sa mga kagawad ng pulisya sa isinagawang anti-criminality campaign kahapon ng umaga sa Alabang, Muntinlupa City.
Agad binawian ng buhay ang suspek na si Alvin Bacol, 30, alyas Itlog, ng Balbanero Compound, Alabang, Muntinlupa.
Samantala, dinala sa himpilan ng Muntinlupa Police para imbestigahan ang nadakip na mga suspek na sina Jamal Marohum, 45, Abdul Lantud, 27, kapwa residente sa Balbanero Compound, Alabang, Muntinlupa, at Mark Gil Maranan, 25, ng Fabian Compound, Alabang, Muntinlupa.
Naganap ang insidente dakong alas 8:30 a.m. sa Balbanero Compoundd, Alabang, sa naturang lungsod.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang grupo ni Bacol ay hinihinalang sangkot sa gun-for-hire, illegal drugs at carnapping.
Bago ang insidente ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon na ang mga suspek ay namataan sa isang safehouse sa Balbanero Compound kaya’t mabilis na umaksyon ang mga pulis.
Sa pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ng Intelligence Unit, Warrant Section, SAID-SOTF, SWAT, at sa pamumuno ni Sr. Supt. Allan Nobleza, officer-in-charge ng Muntinlupa Police, agad silang nagsagawa ng operasyon ngunit nanlaban si Bacol na armado ng baril kaya’t gumanti ng putok ang awtoridad na ikinamatay ng suspek.
Habang tangkang maghagis ng granada si Maranan ngunit agad siyang naaresto kasama sina Marohom at Lantud.
(MANNY ALCALA)