ISINUMITE na ni Jake Pascual ang kanyang aplikasyon para sa PBA draft noong Lunes.
Isa si Pascual sa limang mga cadet players ng Gilas Pilipinas na hinihintay ng mga PBA scouts para makapasok sa draft na gagawin sa Agosto 24.
“I’m very excited to join the draft,” wika ni Pascual. “Pagiigihan ko pa ang offseason workout ko. Excited na ako maglaro sa PBA at siyempre, excited din ako maglaro sa team na kukuha sa akin.”
Dating manlalaro si Pascual sa San Beda College sa NCAA at ng NLEX sa PBA D League.
Nagpalista na rin sa draft ang kakampi ni Pascual sa San Beda na si Rome de la Rosa.
“Playing in the PBA is what I wanted to do. I wanted to pursue my career here and hopefully, in the PBA,” ani De la Rosa na ang amang si Romy ay dating manlalaro ng Sta. Lucia Realty.
Habang sinusulat ito ay hindi pa nagpapalista sa draft ang iba pang mga Gilas cadets tulad nina Kevin Alas, Ronald Pascual, Matt Ganuelas at Garvo Lanete.
Ngayon ang deadline para silang apat na magpalista.
“Kung ako ang masusunod, it’s about time for Kevin to enter the PBA Rookie Draft,” ayon sa ama ni Alas na si Louie na assistant coach ng Alaska.
(James Ty III)