ARESTADO ang puganteng si ret. Maj. Gen. Jovito Palparan sa pinagsamang operasyon ng National Bureau of Investigation-Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD), Armed Forces of the Philippines (AFP), Naval Intelligence Security Force Counter Intelligence and Naval Research Command (NISF) at AFP Taskforce ‘Runway’ kahapon ng madaling araw sa Sta. Mesa, Maynila.
Ayon sa NBI-AOTCD, Agosto 10 ay nakatanggap sila ng intelligence information mula sa isang “anonymous informant” na nagtatago si Palparan sa #4450 Valenzuela cor. Teresa St., Stop and Shop, Old Sta. Mesa, Maynila.
Kaya’t dakong 3:30 a.m. kahapon ay sumugod ang NBI-AOTCD, AFP, NISF at Taskforce Runway sa naturang lugar at doon nga nakita ang matagal nang pinaghahanap ng batas na si Palparan.
Walang kamalay-malay si Palparan dahil natutulog siya nang arestohin ng mga awtoridad.
Matatandaan, pinatungan ng administrasyon ng P2 milyon sa ulo si Palparan makaraan iturong salarin sa pagkawala ng dalawang University of the Philippines (UP) students na sina Karen Empeño at Sheryl Cadapan noong 2006.
Haharap sa kasong kidnapping at serious Illegal detention si Palparan.
Bukod sa kanya ay arestado rin sina Grace Roa at Reynaldo Roa dahil sa pagkukubli sa wanted na dating heneral.
Haharap sila sa kasong ‘obstruction of apprehension and prosecution of criminal offender’.
nina LEONARD BASILIO at JOHN BRYAN ULANDAY
P2-M PABUYA SA TIPSTER
MASOSOLO ng ‘tipster’ ang nakapatong na P2- million reward sa ulo ni ret. Maj. Gen. Jovito Palparan.
“Sa kanya lang mapupunta ‘yon siyempre, ang sa amin masaya na kami basta ma-promote lang kami,” ayon kay NBI Special Agent Aldrin Mercader.
ITINAGONG SUNDALO: ‘DI TOTOO ‘YAN ISAFP
ITINANGGI ng pamunuan ng Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines (ISAFP) na may ilang military personnel ang nagkanlong at tumulong sa pagtatago ni retired Maj. Gen. Jovito Palparan.
Ayon kay ISAFP chief Major Gen. Eduardo Ano, batay sa kanilang intelligence monitoring, wala silang nababalitaang may ilang sundalo sa active service na tumutulong sa dating heneral.
Giit ni Ano, ang pagkakaaresto kay Palparan ay bunga lahat ng human intelligence.
Kinompirma rin ni Ano na batay sa kanilang intel report, muntik nang madale ng tatlong beses ng NPA si Palparan habang siya’y nagtatago.
Ngunit hindi na idinetalye ni Ano ang nasabing report.
NAKALABAS NG BANSA — AFP
SA panahon na nakikipagtaguan sa mga awtoridad si retired Maj. Gen. Jovito Palparan, nakalabas pa siya ng bansa para magtago.
Ito’y batay sa nakuhang intelligence report ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Lt. Col. Ramon Zagala, hindi lamang dito sa Metro Manila nagtago si Palparan kundi sa iba’t ibang lugar sa bansa hanggang sa siya ay maaresto kahapon ng madaling araw.
Dagdag ni Zagala, magkatuwang sila ng NBI sa pag-aresto kay Palparan, at sila ang tagabigay ng impormasyon sa NBI hanggang sa makorner ng mga awtoridad ang dating heneral.
TAKOT SA NPA
NILINAW ni ret. Maj. Gen. Jovito Palparan na hindi siya humihingi ng special treatment sa pamahalaan makaraan maaresto kahapon ng madaling araw sa Sta. Mesa, Maynila.
Sinabi ni Palparan, ang tanging ipinag-alala niya kung saan man siya ikukulong, ang kanyang seguridad dahil ayaw niyang mamatay sa kamay ng kanyang kalaban partikular ang mga rebeldeng komunista o New People’s Army (NPA).
Ngunit ayon sa dating heneral, kampante siya sa kanyang seguridad sa National Bureau of Investigation (NBI) habang hinaharap ang kaso.
Aniya, hindi niya kailangan ang hospital arrest dahil wala siyang malubhang karamdaman.
Dagdag ni Palparan, hindi siya napunta ng Bulacan mula nang magtago sa batas kundi sa lungsod ng Maynila lamang namalagi.
RULE OF LAW — PALASYO
HINDI sasantuhin ng administrasyong Aquino ang mga lumalabag sa karapatang pantao at sumusuway sa batas dahil determinado itong pairalin ang “rule of law.”
Ito ang mensahe ng Palasyo sa mga sangkot sa human rights violations at extrajudicial killings, kasunod ng pagdakip ng pinagsanib na pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa tinaguriang “The Butcher” na si ret. Maj. Gen. Jovito Palparan.
“Matibay ang determinasyon ng ating Pangulo na iharap sa hukuman at panagutin ang mga mayroong usapin sa paglabag ng mga karapatang pantao at sa paglabag ng batas. Isang mahalagang bahagi nang mabuting pamamahala ay ‘yung pag-iral ng rule of law at ng batas,” ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr.
Isa aniya sa pinakamahalagang aspeto ng plataporma ng Pangulo nang sumabak sa 2010 presidential elections ay ang paggawad ng pantay-pantay na hustisya sa ating bansa.
Gayunman, maliit na tagumpay pa lang aniya ang pagkakadakip kay Palparan dahil ang gusto ng Pangulo ay magkaroon nang isang epektibong criminal justice system na mahahatulan ang may kasalanan at mapawalang sala ang inosente.
(ROSE NOVENARIO)
PALPARAN DAPAT MABULOK SA KULUNGAN — KMU
WALANG espesyal na trato at dapat mabulok sa kulungan.
Ito ang pahayag ni Lito Ustarez, vice-chairperson ng Kilusang Mayo Uno (KMU), makaraan maaresto kahapon ng madaling araw si Ret. Maj. Gen. Jovito Palparan.
Ayon kay Ustarez, ang pagkahuli kay Palparan, suspek sa pagdukot sa dalawang estudyante ng UP, ay tagumpay ng lahat ng mga Filipino na lumalaban para sa hustisya at karapatang pantao.
Aniya, maisasakatuparan lamang ang tunay na pagkahuli kay Palparan kung sisiguraduhin ng administrasyon na walang VIP treatment na ibibigay sa akusado at kung mabubulok siya sa bilangguan.
Dito aniya mapatutunayan na walang kinikilingan ang gobyerno sa pagpataw ng parusa, kilalang tao man o hindi, gayundin kung sinsero ang administrasyon sa pagtataguyod ng hustisya.