SUMUGOD sa harap ng tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga katutubo at isinigaw ang agarang paglilitis sa nadakip na si retired Maj. General Jovito Palparan. Iginiit din nilang huwag bibigyan ng special treatment ang dating heneral. (BRIAN BILASANO)
WALANG espesyal na trato at dapat mabulok sa kulungan.
Ito ang pahayag ni Lito Ustarez, vice-chairperson ng Kilusang Mayo Uno (KMU), makaraan maaresto kahapon ng madaling araw si Ret. Maj. Gen. Jovito Palparan.
Ayon kay Ustarez, ang pagkahuli kay Palparan, suspek sa pagdukot sa dalawang estudyante ng UP, ay tagumpay ng lahat ng mga Filipino na lumalaban para sa hustisya at karapatang pantao.
Aniya, maisasakatuparan lamang ang tunay na pagkahuli kay Palparan kung sisiguraduhin ng administrasyon na walang VIP treatment na ibibigay sa akusado at kung mabubulok siya sa bilangguan.
Dito aniya mapatutunayan na walang kinikilingan ang gobyerno sa pagpataw ng parusa, kilalang tao man o hindi, gayundin kung sinsero ang administrasyon sa pagtataguyod ng hustisya.