PATAY ang 59-anyos urban poor leader habang sugatan ang 11-anyos pupil makaraan pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang lalaki sa Antipolo City kamakalawa ng hapon.
Sa ulat na tinanggap ni Senior Supt. Bernabe Balba, Rizal PNP provincial director, kinilala ang napatay na si Isaias Nicolas y Alfonso, founding chairman ng Agrarian Reform Beneficiary Association (ARBA), kalaban ng mga big time developer sa lalawigan, nakatira sa Sitio Manalite, Brgy. Sta. Cruz, Antipolo City.
Habang sugatan sa ligaw na bala si John Paul Gabad y Erlandes, ng Sitio Broadway, Brgy. Dela Paz ng lungsod.
Sa imbestigasyon ng nina PO3 Felomeno Soriano at PO3 Leo Balonson, dakong 5:40 p.m. nang tambangan ng dalawang suspek ang biktima makaraan bumaba ng sasakyan sa Olalia Road, harap ng Sta. Cruz Elementary School sa Brgy. Sta. Cruz, Antipolo City.
Pagkaraan ay naglakad lamang ang mga suspek palayo na parang walang nangyari.
Napag-alaman, kinilala ang biktima bilang “Robinhood” o tagapagtanggol ng mga magsasaka noong 1990 laban sa mga dambuhalang developer sa lalawigan ng Rizal.
(ED MORENO/
MIKKO BAYLON)