PUMALAG ang Korte Suprema sa tila pinalulutang na kawalan ng transparency ng mga mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman dahil sa pagtanggi ng Supreme Court En banc sa hinihingi ng BIR na kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Net worth ng mga mahistrado.
Ito ay makaraan bigyang-diin ni Communications Secretary Sonny Coloma ang kahalagahan ng transparency sa harap ng pagtanggi ng Supreme Court En Banc sa kahilingan ng BIR.
Ipinunto ni Supreme Court Public Information Office chief, Atty. Theodore Te, batid ng mga mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ang kahalagahan ng transparency at ng pagsasapubliko ng SALN.
Ngunit ang hindi aniya pagpabor ng Korte Suprema sa hinihinging kopya ng BIR ay hindi indikasyon nang kawalan ng transparency sa hanay ng mga mahistrado.
Muli rin iginiit ni Te ang nauna niyang pahayag na ang pagbibigay ng Korte Suprema ng kopya ng mga SALN ng mga mahistrado sa mga miyembro ng media, civil society at law students, ay katibayan na wala silang itinatago.
Tinukoy ni Te ang guidelines na ipinalabas ng Korte Suprema sa resolusyon nito noong Hunyo 27, 2012 na tinugunan ang pangamba na ang paglalabas ng SALN ay maaaring magamit ng ilang may mga motibo laban sa mga mahistrado.
Sa nasabing resolusyon, kinikilala ng Korte Suprema na walang prohibition o pagbabawal sa access sa SALN ng mga opisyal, ngunit ito ay saklaw ng regulasyon.
(LEONARD BASILIO)