NAGPALABAS ng panuntunan ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para sa mga manlalayag o seafarer at manning agency para maiwasan ang nakamamatay na Ebola virus.
Sa ulat kay DoLE Secretary Rosalinda Baldoz, ang panuntunan ay ipinalabas kasunod nang ipinatupad na deployment ban para sa mga bagong tanggap na OFW sa Guinea, Liberia at Sierra Leone, mga bansa na may epidemya ng Ebola virus.
Sa ilalim ng panuntunan, lahat ng mga shipping principal o employer na may barkong nag-ooperate sa mga pier ng tatlong bansa ay kinakailangang tiyakin na ang mga seafarer ay mayroong protective gear gaya ng masks, gloves at goggles para malimitahan ang posibilidad na malantad sila sa Ebola virus disease.
Responsibilidad ng ship master at ng ship medical officer na iulat kung mayroon silang tripulante na nagpapakita ng sintomas ng sakit gaya ng lagnat, sakit ng ulo, panghihina, pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan at sore throat.
Ito ay para maiwasan ang kontaminasyon ng Ebola virus sa barko.
Inirekomenda rin ng POEA ang pagsunod sa International Maritime Employers’ Council, International Transport Workers’ Federation at International Chamber of Shipping, laban sa Ebola virus. (LEONARDO BASILIO)