DESMAYADO Si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas hinggil sa pagkaantala ng hiring ng 7,000 bagong police recruits makaraan ideklarang illegal at unconstitutional ang Disbursement Acceleration Program (DAP).
Sinabi ng kalihim, ang pondo na inilaan para sa pag-hire ng 7,000 police recruits ay kukunin sana sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ngunit dahil hindi na pwedeng gamitin ang nasabing pondo ay suspendido muna ang pag-hire ng bagong police recruits.
Ayon kay Roxas, ang bagong recruits ang siyang magiging bahagi ng 30,000 policemen na inianunsiyo ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III upang punan ang kakulangan ng police personnel.
Ang nasabing hakbang ay bahagi ng kampanya ng pamahalaan at PNP upang paigtingin ang police visibility para tugisin ang mga sindikato ng krimen.