HUGAS-KAMAY ang Palasyo sa alegasyon sa inihaing ikaapat na impeachment complaint sa Kongreso laban kay Pangulong Benigno Aquino III, na may pork barrel pa rin ng mga mambabatas na nakapaloob sa 2014 national budget.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, ipinauubaya ng Malacañang sa Kongreso ang pagtugon sa isyu lalo na’t sa isang closed door meeting, sinabi sa mga mambabatas nina Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Patricia Licuanan at Health Undersecretary Janet Garin na pwede pa rin silang magrekomenda ng mga proyekto sa mga nasabing ahensiya kahit idineklara nang unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
”I think that’s a matter that should best be addressed by Congress. There were certain allegations that there was closed-door. We’re not familiar with that closed-door proceeding. So we would rather let Congress or the House of Representatives speak on that,” ani Lacierda.
Ang audio recording ng pakikipag-usap nina Licuanan at Garin ang ginamit na ebidensiya nina Alliance of Concerned Teachers (ACT) at national artist Bienvenido Lumbera, nang isampa ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Pangulong Aquino kahapon ng umaga.
Anila, umabot sa P14 milyon ang inilaan ng CHED para sa bawat kongresista at P10-milyon para sa medical assistance mula sa DoH.
Sa isang text message na ipinamahagi ni Lacierda mula kay Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab, ay binigyang katuwiran ng mambabatas ang naturang alokasyon ng CHED at DoH sa mga mambabatas sa 2014 national budget.
Hindi aniya ito PDAF dahil binura na sa 2014 budget, at ang ginawa aniya ng Kongreso ay naglaan ng P4 bilyon pondo para sa scholarship sa CHED sa 2014 budget, at P3 bilyon para sa mga mahihirap na pasyente sa DoH hospitals at specialty hospitals tulad ng NKTI, Heart Center, at iba pa.
Ito aniya ay upang matiyak na patuloy na matutustusan ang 340,000 scholars at 500,000 maralitang pasyente kahit wala nang PDAF ang mga mambabatas. (R. NOVENARIO)