HABANG NAGHIHINTAY NG MAPAPASUKAN GUMALA-GALA MUNA SI LUCKY BOY
Nasabi kasi sa akin minsan ni Arvee na madalas siyang isama sa pangingisda sa dagat ng erpat niya. Pansamantala raw munang nag-tricycle driver si Mykel habang naghihintay na tawagan ng kompanyang pinag-aplayan niya ng trabaho sa abroad.
Pangalawang araw ko pa lang nagpipirmi sa aming bahay ay dinayo na agad ako nina Jay at Bryan. Miss daw ako ng dalawang lukutoy. Sa tagal nang ‘di ko pag-uwi sa Naic ay marami silang pasalubong na kuwento sa akin. Puro kalokohan lang naman. At siyempre’y hindi mawawala ang paboritong paksa ng mga kake-lotan sa pag-uumpuk-umpukan. Tungkol ‘yun sa mga kabebotan na niluluhuran maging ng mga hari noong sinaunang panahon.
“Parekoy, tiyak na mag-e-enjoy ka ‘pag sumama ka sa amin,” pangungumbinsi sa akin ni Bryan.
“Du’n sa tarima namin, e, may mga chikababes na madalas maki-join sa amin. Kaya ‘wag kang magburo dito sa hay-bol, Parekoy… “ pa-salestalk na birada ni Jay.
“H-hindi naman ako tumotoma, e…” naikatuwiran ko sa pag-iling.
“Hindi ka rin ba pwede sa bebotski?” ngisi ni Bryan sa pagtatanong.
“Kung maganda at seksi ay makatatanggi ba ako?” ang dagli kong naitugon.
Ang sinasabing “tarima” nina Jay at Bryan ay ang ginawa nilang kubu-kubuhan na itinayo sa isang bahagi ng katubigan sa tabing-dagat. Yari iyon sa pinagtagpi-tagping yero, flywood at lumang tarpaulin ng mga politikong kumandidato sa eleksiyong-lokal. Dalawang mahahaba at mabibilog na kawayan ang nagsisilbing tulay papunta roon. At kawayan din ang hawakan-gabay niyon.
Nagtagayan doon sina Jay at Bryan ng emperaning. Pa-shot-shot lang ako paminsan-minsan. Mas nakarami ako ng pulutan. Naka-jamming namin si Tata Simon, ang matandang lalaking mangingisdang tagaroon na pumapel ng tanggero. Pero hindi nagtagal at umeskapo agad dahil bumaba na ang dosage sa pagkakarga ng alak. Ganu’n pala ang mga manginginom – habang nagkakaedad ay mabilis nang tina-tablan ng sipa ng agua de-pataranta. Kaya nga ni hindi na nito nagawa pang magpaalam sa amin nang umiskyerda sa tagayan. (Itutuloy)
ni Rey Atalia