IPINAALALA ng Malacañang sa mga mahistrado ng Korte Suprema na dapat nilang ihayag ang kanilang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) dahil ang pagsisinungaling sa SALN ang naging dahilan sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., ang pangunahing tungkulin ng isang lingkod-bayan ay pagiging bukas at responsable sa taumbayan kaya’t mismong si Pangulong Aquino at mga miyembro ng kanyang gabinete ay isinasapubliko ang kanilang SALN.
“Ang mahalaga po siguro rito ay ‘yung pagpapahalaga sa prinsipyo ng pagiging bukas at ‘yung pagiging responsable sa taumbayan— ‘yung principles of openness, transparency, and accountability to the Filipino people,” aniya.
Natambad na aniya sa atensiyon ng publiko ang kahalagahan ng SALN mula noong Corona impeachment trial at kung paano ito nagiging instrument hinggil sa pagtiyak na tinutupad ng mga opisyal ng gobyerno ang kanilang pananagutan sa mga mamamayan.
Nanawagan si Coloma sa mga mamamayan na maghayag ng saloobin kaugnay sa isyu dahil ayaw naman ng Palasyo na lumabas na may hidwaan ang ehekutibo sa hudikatura.
Nauna nang ibinunyag ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na tumanggi ang mga mahistrado ng Korte Suprema na bigyan ng kopya ng kanilang SALN ang BIR.
(ROSE NOVENARIO)