KNOCKOUT ang one-strike policy ng Philippine National Police (PNP) laban sa jueteng operation ng isang kilalang gambling lord at financier sa South Metro Manila dahil sa P12-milyong goodwill payola sa isang tanggapan ng pulisya sa nasabing distrito.
Ito ang kumakalat na impormasyon kaugnay nang biglang paglarga ng jueteng sa Pasay, Makati, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa at Taguig cities.
Nagulat umano ang mga barangay officials nang biglang dumami ang mga nagpapataya ng jueteng sa kani-kanilang lugar.
Imbes magtago kapag nasisita ng mga barangay tanod ang mga nagpapataya ng jueteng, matapang pa umanong sumasagot na hindi sila pwedeng galawin dahil timbrado sila sa NCRPO.
Ilang impormante ang nagsabi na ang jueteng operations ay nasa pangalan ni Bolok Santos pero ang tunay na financier at operator ay isang Kenneth Intsik.
Dahil ipinagmamalaki na areglado na ang pulisya, lokal at nasyonal, malakas umano ang loob ni Kenneth na palargahin nang palargahin ang kanilang jueteng operations.
Sa ulat, mahina ang kobransang P.5 milyon kada araw sa lakas ng operasyon nina Bolok at Intsik.
Hindi lang umano pulis ang inayos gayon din ang mga nagpapakilalang sila ang lalagom ng para sa media.
Isang bagman umano na alyas Bernardino ang nagsasabing siya ang taga-ayos sa media.
Si alyas Bernardino din umano ang nagkamada ng nasabing jueteng operation nina Bolok at Kenneth Intsik. (HATAW News Team)