SAMPUNG dating superstars ng Philppine Basketball Association ang tutulak tungong Singapore ngayong Agosto upang makaharap ang isang club champion team sa serye ng goodwill games para sa kapakanan ng mga Filipino overseas workers sa bansang iyon.
Kabilang sa mga inaasahang bubuhat sa bandila ng Pilipinas at magpapasaya sa mga OFWs doon ay sina Atoy Co, Benjie Paras, Alvin Patrimonio, Ronnie Magsanoc. Jerry Codinera, Marlou Aquino, Bal David, Noli Locsin, Vince Hizon at Nelson Asaytono.
Ang Singapore games ay bahagi ng PBA Legends – Asia Tour Singapore.
Ang mga manlalarong nabanggit ay ipinakilala kamakailan sa isang press launch sa Gerry’s Grill sa Tomas Morato.
Kabilang sa gagampanan ng mga legends ay isang basketball clinic para sa kabataan, media meet and greet, fans meet and greet at Gala dinner kung saan makakahalubilo ng mga fans ang kanilang hinahangaang manlalaro.
Dagdag ni Sasikumar, “The achievements of the PBA lebends coupled with the presence of a promising roster of local players have made this a must-see exhibition match. I am grateful to the legends for agreeing to be part of this event.”
Ang PBA legends ay nagtotour na sa buong mundo sa nakaraang dalawang taon at naglalaro sa mga sports halls sa Saudi Arabia, New Zealand, Australia, Canada, USA at Qatar.
“Iba naman itong gagawin namin sa Singapore kumpara sa nagawa na namin sa ibang lugar. Kasi, sa Singapore, ang game namin ay para sa mga overseas workers at hindi lang para sa resident Pinoys doon,” ani paras na siyang tanging manlalarong nahirang na Rookie of the year at Most Valuable Player sa isang season noong 1989.
Kung magiging matagumpay ang goodwill games sa Singapore ay lalaro rin ang PBA legends sa ibang bansa kung saan maraming OFWs.
Sa kasalukuyan ay may halos 300,000 OFWs sa Singapore.
(SABRINA PASCUA)