PATAY sa pananambang ng killer tandem ang isang Tsinay na may-ari ng isang sangay ng Mang Inasal habang sakay ng kanyang Starex van sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa.
Idineklarang dead-on-arrival sa Ospital ng Sampaloc, ang biktimang si Mary Li, 58, taga-27 Pelicares St., Green Meadows, Quezon City dahil sa dalawang tama ng bala sa kanang ulo at pisngi.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Rodelio Lingcong, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong 5:10 p.m. nang tambangan ang biktima sa Vicente Cruz St. Sampaloc.
“Inaalam namin ang motibo. Mukhang personal, kasi hindi naman kinuha ang kanyang mga gamit, basta, pagkabaril sa kanya, tumakas na ‘yong mga suspek, hindi dinamay ‘yong dalawa niyang kasama sa loob ng van,” ayon kay Lingcong.
Ayon kina Ruel Dumdum, 36, driver ng biktima, at Arlene Rizano,27, branch manager ng Mang Inasal, Sampaloc Branch, isa sa dalawang lalaking sakay ng motrosiklong walang plaka na nakasuot ng helmet ang bumaril sa biktima.
Sakay ang biktima ng kanyang Starex van, may plakang PLQ-397 na minamaneho ni Dumdum nang dikitan ng mga suspek sa kanang bahagi nito, saka pinagbabaril.
Tinamaan sa ulo ang biktima na nakaupo sa likod ng driver na kanyang ikinamatay.
Tumakas ang mga suspek patungo sa Lardizabal St., hanggang maglaho.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang motibo ng pananambang sa biktima.
ni LEONARD BASILIO
2 SALVAGE VICTIM TINANIMAN NG TIG-15 BALA SA KATAWAN
TINADTAD ng tig-15 bala ng baril ang dalawang hinihinalang biktima ng salvage na natagpuan ng isang barangay tanod sa Quirino, Isabela, iniulat kahapon. Sa ulat, kinilala ni Sr. Insp. Raymond Banggayan, chief ng Quirino Police Station, ang dalawang bangkay na sina Charlie Capayap, 23, ng Guinzadan Norte, Bauko, Mt. Province at Franklin Mangiga, ng Betag, La Trinidad, Benguet.
Natagpuan ang mga bangkay ng isa sa mga tanod ni Chairman Alfredo Rivera, ng Barangay Santiago habang napapatrolya, 50 metro ang layo mula sa highway.
Base sa post mortem examination sa bangkay, tig-15 tama ng punglo ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril ang nakita sa katawan ng mga biktima.
Malaki ang teorya ng mga awtoridad, sa ibang lugar pinatay ang mga biktima saka itinapon sa lugar na kinatagpuan para iligaw ang imbestigasyon. (BETH JULIAN)