SA wakas!
Napatid din ang 27-game losing skid ng University of the Philippines Fighting Maroons nang gapiin nila ang Adamson Falcons, 77-64 para sa kanilang kauna-unahang panalo sa 77th season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) men’s basketball tournament noong Sabado sa Mall of Asia Arena.
Bunga ng panalo ay umakyat sa ikapitong puwesto ang Fighting Maroons sa record na 1-6. Bumagsak naman sa huling puwesto ang Falcons sa record na 0-6.
Ito ang unang panalo ng Fighting Maroons buhat nang talunin nila ang University of the East Red Warriors, 63-48 noong Agosto 19, 2012.
Bale ikalawang panalo ito ng UP sa 44 games!
Kaya naman para na rin nagkampeon ang Fighting Maroons!
Biruin mong unang panalo pa lang nila sa season ay may naghiyawan na ng “bonfire! bonfire!”
Naintindihan natin ang damdamin ng mga estudyante’t propesor sa UP na matagal na hinintay ang pagkakataong ito. Kung ako man ay tagaroon, aba’y magdiriwang ako!
Nagbida para sa Fighting Maroons ang nagbabalik na Mikee Reyes na nagtala ng 28 puntos. Ito ay one-point shy ng season-high 29 puntos na ginawa ni Keifer Ravena ng Ateneo Blue Eagles.
Nagdagdag ng 24 si JR Gallanza para sa mga taga-Katipunan.
Ang gumiya sa Fighting Maroons sa panalong iyon ay si Ramil Cruz na tinulungan ng kapwa niya assistant coach na si Poch Juinio. Hindi kasi nila nakasama ang head coach na si Rey Madrid na nasuspindi ng dalawang games.
Well, sa oras na isinusulat ito’y tapos na ang pagdiriwang ng UP Fighting Maroons at mga supporters nila.
At marahil ang iniisip nila ngayon ay kung paano masusundan ang panalong iyon.
Alangan namang makuntento sila sa iisang panalo lamang!
Sabrina Pascua