TULOY na ang pagsali ng Hapee Toothpaste sa PBA D League.
Kinompirma kahapon ng basketball operations head ng Lamoiyan Corporation na si Bernard Yang na isusumite niya sa opisina ng PBA ang hiling ng team owner na si Cecilio Pedro na palitan ng Hapee ang prangkisa ng North Luzon Expressway na umakyat na sa PBA.
May plano ang MVP Group na huwag nang ituloy ang muli nitong pagsali sa D League dahil may tatlong koponan na ang grupo sa PBA.
Dating miyembro ng Philippine Basketball League ang Hapee bago ito umatras dahil sa palaging absent sa opisina ang komisyuner nitong si Chino Trinidad dulot ng pagiging sports reporter ng GMA 7.
Idinagdag ni Yang na ang pagpasok ng Hapee sa PBA D League ay magiging batayan para sa magiging pagpasok nila sa PBA bilang expansion team sa hinaharap.
Ilang mga prangkisa ng PBA tulad ng Rain or Shine, Globalport at Blackwater Sports ay galing-PBL.
Kapag naayos na ang palitan ng prangkisa ng NLEX sa Hapee, balak ng huli na maging school-based at magsasanib-puwersa ito sa San Beda College tulad ng ginawa dati ng Road Warriors.
Halos lahat ng mga manlalaro ng NLEX tulad nina Kevin Alas, Garvo Lanete, Jake at Ronald Pascual at Matt Ganuelas ay magpapalista na sa PBA draft. (James Ty III)