INIUTOS ng Department of National Defense Secretary Voltaire Gazmin sa pamunuan ng Philippine Air Force (PAF) na limitahan muna ang paggamit sa pito pang natitirang Polish made PZL W-3 Sokol medium-size, twin-engine multipurpose helicopters.
Ito’y makaraan bumagsak ang isa sa mga ito matapos na mag-take off sakay ang ilang matataas na opisyal ng 4th Infantry Division, Philippine Army pabalik sa Laguindingan Airport ng Misamis Oriental mula sa Camp Ranao ng 103rd Infantry Battalion ng Marawi City.
Inihayag ni 1st ID spokesperson Capt. Franco Suelto, dahil sa nangyari ay iniutos ni Gazmin na bawasan ang paggamit sa mga Sokol choppers.
Sinabi pa ni Suelto, magsisilbi na lamang munang search and rescue operation choppers ang natitirang pitong PAF assets dahil sa insidente.
Inamin din ni Suelto na batay sa pinakahuling impormasyon, ang malakas na hangin ang nagpabagsak sa Sokol chopper may 50 metro ang layo mula sa open ground habang nakasakay si 4th ID commander Brig/Gen Ricardo Visaya at 10 iba pa.
Nagpapatuloy pa ang masinsinang imbestigasyon ng PAF personnel upang alamin ang tunay na dahilan sa pagbagsak ng kanilang chopper.
Nasugatan sa insidente si PAF S/Sgt Darius Valdez at ang sibilyan na si Santiago Cabidray.
Napag-alaman, ang chopper na sinakyan ni Visaya ay nagsilbing convoy nang bumisita sina DILG Secretary Mar Roxas, Defense Secretary Voltaire Gazmin at DoE Secretary Jericho Petilla sa Marawi City dahil sa usaping pang-elektrisidad ng Lanao del Sur noong Agosto 7.