INAMIN ni Vice President Jejomar Binay na kabilang sa ikinokonsidera sa posibleng koalisyon ang tambalan niya kay Sen. Chiz Escudero o DILG Sec. Mar Roxas bilang pambato ng administrasyon sa 2016 elections.
Magugunitang inihayag kamakailan ni Binay ang posibleng pag-adopt sa kanya ng Liberal Party (LP) bilang standard bearer sa presidential elections.
Marami naman ang bukas pero ilang taga-LP ang nagsabing malamig sila kay Binay bilang kandidato.
Sinabi ni Binay na sang-ayon sa napag-uusapan, lahat ay posible at wala pang pinal na desisyon.
Ayon kay Binay, hindi na siya nagtaka sa pagtanggap ng Aquino sisters sa kanyang posibleng pagiging LP adopted candidate dahil sa kanilang pinagsamahan noong EDSA People Power Revolution.
Para naman daw sa mga ayaw sa kanya bilang LP candidate, ang mapikon ay talo.
Inihayag din ni Binay na napag-usapan na nila ni Manila City mayor Joseph Estrada ang nasabing koalisyon.
Sa pamamagitan daw nito, mapapalaki ang tsansang manalo at maiibsan ang politika na nagsimula nang uminit bago pa ang 2016.
“Sabi nga sa ‘yo, walang imposible sa politika. Lahat posible. Kasama sa mga kino-consider (Roxas, Chiz), “ ani Binay.
Matatandaang inihayag kamakailan ni Escudero na wala pa silang napag-uusapan hinggil sa pagtakbo sa nalalapit na eleksyon.
Ayon kay Escudero, tututok muna sila sa kasalukuyan sa mga panukalang batas at ang nalalapit na budget hearing ng Senado. (NIÑO ACLAN/CYNTHIA VIRTUDAZO)