HINAMON ng Malacañang si Atty. Nena Santos na maghain na lamang ng kaso sa Ombudsman kaugnay sa alegasyong suhulan sa Maguindanao massacre case.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ito ang posisyon ni Justice Sec. Leila de Lima para malinawan ang usapin.
Ayon kay Valte, mas mabuting dalhin sa pormal na reklamo ang isyu at doon magharap ng ebidensiya si Santos at iba pang mga testigo.
Una rito, idinepensa ni De Lima ang public prosecutors partikular si Justice Undersecretary Franciso Baraan III mula sa paratang na tumanggap ng P50 milyon suhol mula sa mga Ampatuan.
Magugunitang sinabi ni Senate President Franklin Drilon na mas mabuting Ombudsman na ang mag-iimbestiga sa seryosong alegasyon.