TOTOO nga kaya na takot si Vice Pres. Jejomar Binay na makatapat si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa nalalapit na 2016 presidential elections?
Mainit pa rin ang mga usap-usapan na may impormasyong natanggap si Binay na ikinokonsidera siyang gawing manok ng Liberal Party (LP) sa halalang 2016.
Kaugnay nito ay nagpahayag umano si Erap na isang malaking pagkakamali kung sasali si Binay sa LP bilang guest presidential candidate. Kapag nangyari raw ito ay mapipilitan ang United Nationalist Alliance (UNA) na palitan siya ng ibang kandidato para sa oposisyon.
Hindi man direktang tinukoy ni Erap na siya ang ipapalit na kandidato, akalain ninyong ipinagmalaki naman niya na dati na raw inamin ni Binay na si Estrada lang ang tanging kandidato na kinatatakutan niyang makalaban para pangulo ng bansa.
Ano kaya ang masasabi ni Binay sa napaka-humble na pahayag na binitiwan ng kanyang kaibigan at kaalyado sa partidong UNA, mga mare at pare ko?
May mga nagtanong tuloy kung ibig bang sabihin nito ay naniniwala si Binay na maliban kay Erap ay mananalo siya sa lahat ng puwedeng makalaban, pati na kay Pres. Noynoy Aquino kung halimbawang pinayagan na magkaroon ng term extension? Alalahaning si P-Noy ang sinuportahan at ibinoto ng mga mamamayan at hindi si Erap sa nagdaang presidential elections.
Manmanan!
***
NATURAL lang na kontrahin ni Binay ang mga mungkahing payagan si P-Noy na muling makatakbo para pangulo, dahil masisilat ang personal niyang pangarap na maging presidente.
Unang pumutok ang isyu nang may magsulong sa Facebook ng panawagang na dapat mabigyan si P-Noy ng isa pang termino. Masisisi ba natin kung buo ang tiwala nila sa Pangulo?
May gumawa man ng kabalbalan sa gobyerno ay hindi naman daw nasangkot dito si P-Noy.
Sa kanyang “State of the Nation Address (SONA)” ay nagpaalala ang Pangulo na dapat pumili ang mga mamamayan ng kandidato na magpapatuloy sa mga reporma na sinimulan niya.
Pero kung titingnan ang hanay ng mga nagbabalak tumakbo para pangulo sa 2016, sa tingin ng marami ay wala raw puwedeng pumalit para ipagpatuloy ang mga simulain ni P-Noy.
Maging si Interior Sec. Mar Roxas ay nagpahayag ng naising mabigyan ng pagkakataon si P-Noy na magtagal sa puwesto para maipagpatuloy ang mga reporma niya sa gobyerno. Kung hindi nakasaad sa Konstitusyon na ang Pangulo ay magkakaroon lang ng isang termino na tatagal nang anim na taon, mga mare at pare ko, marahil ay si P-Noy pa rin ang pipiliin ng marami.
Tandaan!
***
SUMBONG: “Sir, dito po sa San Jose del Monte, ang mga enforcer mga buwaya. Palakihan porsyento nila kaya ganu’n manghuli. Iyong Leo C. ang pinakabuwaya. Dapat dito mahuli, kulong agad. Ang mga Iglesia hindi nila matiketan, balik agad lisensya. Takot sila.”
Sikaping mai-video sila sa akto upang hindi makatanggi ang mga damuhong iyan.
Pakinggan!
***
TEXT 0946-8012233 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.
ni Ruther Batuigas