UPANG masinop na maplano ng elementary at secondary schools sa buong bansa ang kanilang mga aktibidad para sa 2015, ipinalabas ng Department of Education (DepEd) ang listahan ng regular, special non-working at special holidays para sa susunod na taon.
Agad iniatas ni Education Secretary Armin Luistro ang distribusyon ng listahan ng national holidays “to guide all the DepEd offices and schools, both public and private, in planning their academic calendars.”
“Information crucial to planning should be distributed with urgency. It steers decision-making functions and policies to their most efficient positions. It is a way to ensure that we are proactive in delivering the education agenda,” ipinunto ng kalihim.
Sa ilalim ng Presidential Proclamation 831, ang regular holidays para sa 2015 ay ang New Year’s Day (Enero 1); Maundy Thursday (Abril 2); Good Friday (Abril 3); Araw ng Kagitingan (Abril 9); Labor Day (Mayo 1); Independence Day (Hunyo 12); National Heroes Day (Agosto 31); Bonifacio Day (Nobyembre 30); Christmas Day (Disyembre 25); at Rizal Day (Disyembre 30).
Habang ang special non-working days ay Chinese New Year (Pebrero 19); Black Saturday (Abril 4); Ninoy Aquino Day (Agosto 21); All Saints Day (Nobyembre 1); gayundin ang Christmas Eve (Disyembre 24) at ang huling araw ng taon (Disyembre 31).
Ang special school holiday ay sa Pebrero 25, ang anibersaryo ng EDSA Revolution.
Sinabi ni Luistro, ang proklamasyon kaugnay sa paggunita sa mahalagang Islamic holidays na Eid’l Fitr at Eidul Adha ay hindi pa iniisyu ng National Commission on Muslim Filipinos.
Ang Eid’l Fitr ay pagdiriwang ng pagtatapos ng Ramadan, ang Islamic holy month of fasting, habang ang Eidul Adha o Feast of the Sacrifice, ay bilang parangal sa pagsasakripisyo ni Ibrahim sa kanyang first-born son na si Ismail para sundin ang utos ni Allah, at paggunita sa pagtatapos ng Hadj o ng pilgrimage sa Mecca. (ROWENA DELLOMAS – HUGO)