DALAWANG pulis ang inaresto sa operasyon ng Manila Police District-Anti Carnapping Investigation Section (MPD-ANCAR) matapos tukuyin na nagtutulak ng ilegal na droga sa Tondo, Maynila, iniulat kaahpon.
Nakapiit sa tanggapan ng ANCAR, sina PO3 Jessie Villanueva, alyas Boy Bayawak; at SPO1 Lovely Bacani, nakatalaga sa Northen Police District Office (NPDO).
Ayon kay Sr. Insp. Rommel Geneblazo, hepe ng MPD-ANCAR, dakong 2:30 ng madaling araw, nang maaresto ang dalawang pulis sa magkahiwalay na lugar sa Maynila.
“Sagasa lang ang operasyon namin sa kanila kasi may nahuling carnapper at nakuhaan ng shabu, sa imbestigasyon lumalabas na si Villanueva pala ang source niya ng shabu, kaya ini-operate na rin ng mga tauhan ko,” ani Geneblazo.
Bago sila naaresto, nagsagawa ng spotting operation sina SPOs1 Gerardo Rivera, Kelly James Isip, at Jay An Perturbos; PO3 Samuel Pilar; POs2 Derlindo Serrano at Joel Mendez sa panulukan ng Fugoso at Alonzo Sts. Sta. Cruz, Maynila dakong 11 p.m.
Nabatid na naaresto ng mga awtoridad si Larry Santiago, alyas Cholo, 28, residente ng 1478 Fugoso St., dahil sa kasong carnapping kasama ang isang alyas Nonoy sa Pampanga.
Narekober sa kanya ang Yamaha Mio at inamin din na galing kay Villanueva ang dalawang plastic ng shabu na nakuha sa kanya.
Nakompirma na si Villanueva ang pinagkukunan ng shabu ni Santiago nang mabasa ang kanilang transaksiyon sa cellphone na pinagre-remit ng una ng kinita sa droga ang huli.
Nang puntahan ang kasabwat ni Santiago na si Nonoy, naaktohang minamaneho ang kanyang Zuzuki Sky drive motorcycle na walang plaka kaya sinita.
Nang kapkapan, nakuha kay Villanueva ang 4.9 gramo ng shabu.
Sa interogasyon, idi-deliver sana ni Villanueva kay Bacani ang shabu na nakompirma sa palitan nila ng text messages.
Dinakip si Bacani habang aktong hawak ang shabu sa harap ng Puregold sa Tayuman.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang tatlong naaresto, habang karagdagang kasong carnapping kay Santiago at alyas Nonoy ang isasampa.
(LEONARD BASILIO)