TODAS ang isang dating municipal councilor nang tambangan ng gun-for-hire sa Poblacion, San Fabian, Pangasinan kahapon.
Kinilala ang biktimang si Atty. Cristobal Fernandez, 67, residente ng Caballero St., Poblacion, San Fabian.
Sa report ni Chief Insp. Crisante Sadino, hepe ng San Fabian PNP, nagsusulat ang aboagdo sa loob ng opisina nang pumasok ang dalawang armadong lalaking nakasuot ng helmet dakong 6:30 a.m. saka siya pinagbabaril.
Nang makompirmang patay ang biktima, tumakas ang mga suspek na sinasabing gun-for-hire sakay ng motorsiklo.
Apat na tama ng punglo sa katawan ang ikinamatay ng biktima.
Nakuha sa crime scene ng apat na basyo ng kalibre .45 baril.
Inamin ng mga awtoridad na blanko sila sa motibo ng pagpatay sa biktima maging ang pagkakilanlan sa mga mga suspek.
Gayon man, pinag-aaralan ng pulisya kung may kinalaman sa kasong hinahawakan ni Fernandez ang pamamaslang.
Ang kaso ay may kaugnayan sa petisyon ng mga residente sa Brgy. Angio na pagpapasara ng piggery na 50 metro ang layo sa pampublikong paaralan.
Una nang pinangunahan ni Fernandez ang pagsasampa ng kaso laban sa may-ari ng piggery na ipinasasara ng mga residente sa tulong ng barangay council ng Angio pero nakabinbin sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa San Ferando City, La Union.
Kasabay nito, kinondena ng mga abogadong kasapi ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Pangasinan Chapter ang pagpatay kay Fernandez.
(JAIME AQUINO)