TINULAK ng Philippine Chess team ang dalawang sunod na panalo sa nagaganap na 41st World Chess Olympiad sa Tromso, Norway subalit kapos pa rin para makasampa sa top 20.
Nakapagtala na ng seven match points ang mga Pinoy woodpushers, kasalo sila sa 25th to 43rd place matapos ang fifth round.
Kaya naman paniguradong makikipagtaktakan ng isip ang mga Pinoy sa round six laban sa No. 42 seed Austria ngayong araw.
Paghahanda ang gagawin ng ranked No. 52 Phl men’s team sa isang araw nilang pahinga.
Pag-aaralan ng mga Pinoy ang Austria team na pinangungunahan ni super grandmaster Markus Ragger (elo 2644).
Si Ragger ay may apat na panalo at isang talo sa board 1.
Pagkatapos sumadsad ng Pilipinas sa round three kontra No. 2 seed Ukraine, 1-3 ay bumangaon ang mga ito sa rounds four at five.
Kinaldag ng mga Pinoy ang Finland, 2.5-1.5 sa fourth round at ang Chile sa fifth round, 2.5-1.5.
Naniniwala naman si National Chess Federation of the Philippines executive director GM Jayson Gonzales na maipagpapatuloy ng team ang kanilang momentum sa Austria .
“So far maganda naman ang nilalaro ng team lalo na sina Eugene (Torre) at Paulo (Bersamina) basta maganda lang ‘yung preparation nila mananalo kami sa Austria ,” wika ni Gonzales na tumatayong coach ng Phl team.
Si Asia’s first grandmaster Torre ang may pinakamataas na puntos para sa Phl team.
May nalikom na ang 62 anyos at 14th oldest participants sa 881-player field Torre na 3.5 points mula sa two wins at three draws.
Tig tatlong puntos naman sina board one player GM Julio Catalino Sadorra at board four at 16-year old FM Bersamina habang dalawang puntos na si GM John Paul Gomez sa board two.
Pitong bansa naman ang nagsisiksikan sa unahan hawak ang nine matck points sa event na may 11-round swiss system.
Ang top seed at powerhouse team Russia ay nasa pang-walong puwesto bitbit ang eight MP.
(ARABELA PRINCESS DAWA)