PINAKAPINANOOD na Sunday program sa buong bansa ang unang episode ng Wansapanataym special nina Vhong Navarro, Carmina Villarroel, at Louise Abuel na pinamagatang Nato de Coco. Patunay dito ang datos mula sa Kantar Media noong Linggo (Agosto 3) na nanguna sa listahan ng most watched TV programs sa Pilipinas ang pilot telecast nito taglay ang national TV rating na 26.5%, o halos walong puntos na kalamangan kompara sa katapat nitong programa sa GMA na Ismol Family (18.6%).
Samantala, mas magiging panalo sa TV viewers ang dobleng kasiyahan na ihahatid ngWansapanataym simula ngayong weekend (Agosto 9 at 10) dahil mapapanood na ang original storybook ng batang Pinoy sa bago nitong timeslot tuwing Sabado, 7:15 p.m. at Linggo, 7:00 p.m..
Sa pagpapatuloy ng Wansapanataym Presents Nato de Coco, magsisimula nang magbago ang buhay ni Oca (Vhong) matapos niyang iwan ang asawa’t anak para sa karera bilang isang basketball player. Ngunit sa kabila ng kagustuhang makabawi sa anak na si Nato (Louise) ay hindi na magagawa ni Oca na humingi rito ng tawad dahil sa isang malagim na aksidente. Makabawi pa kaya si Oca kay Nato kapag nabigyan siya ng isa pang pagkakataon na makasama ito bilang isang buko?
Bahagi rin ng Nato de Coco sina Ella Cruz, Joshua Dionisio, Epi Quizon, at Yogo Singh. Ito ay sa ilalim ng panulat ni Noreen Capili at idinirehe ni Lino Cayetano.
Sa ilalim ng produksiyon ng Dreamscape Entertainment Television, ang original storybook ng batang Pinoy na Wansapanataym ay ang longest-running at most-awarded fantasy-drama anthology ng ABS-CBN.