HANGAD ng Perpetual Help Altas at Letran Knights na burahhin ang alaala ng masasaklap na pagkatalo sa huling laro sa kanilang pagkikita sa 90th National Colegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament mamayang 2 pm sa The Arena sa San Juan .
Ang Altas ay nagbigay ng magandang laban kontra defending champion San Beda Red Lions noong Miyerkoles subalit natalo, 77-75 upang bumagsak sa 4-3 record.
Ang Knights ay naungusan naman ng Arellano Chiefs, 63-62 noong Lunes at nabaon sa ikasiyam na puwesto sa record na 2-5.
Matapos na magwagi sa unang tatlong laro nila ay biglang naging inconsistent ang Altas. Subalit naniniwala si coach Aric del Rosario na manunumbalik ang dating tikas ng kanyang mga bata at mapapanatili nila ang kapit sa Top Four.
Ang Altas ay pinamumunuan ni Earl Scottie Thompson na sa kasalukuyan ay siyang frontrunner sa labanan para sa Most Valuable Player award. Sinusuportahan siya nina Juneric Baloria, Harold Arboleda at Justin Alano.
Ang Knights ni coach Caloy Garcia ay nahihirapan bunga ng kakulangan ng big man. Walang nakapalit sa puwestong binakante ni Raymond Almazan na umakyat sa pro league.
Subalit kompiyansa si Garcia na ang kanyang mga bagong sentro ay aasenso matapos na magkaroon ng karanasan sa first round ng elims. Umaasa siya na magsisimula na ang kanilang pagbangon upang makahabol sa mga nangunguna.
Ang Kights ay sumasandig sa mga beteraong sina Kevin Racal, Mark Cruz, Ford Ruaya at Rey Nambatac.
(SABRINA PASCUA)