TULUYANG ibinasura ng Sandiganbayan 3rd division ang motion for reconsideration sa petition to bail ng kampo ni Sen. Juan Ponce Enrile.
Ayon sa resolusyong inilabas ng anti-graft court, nabigo ang kampo ni Enrile na makapagpakita nang sapat na rason para pagbigyan ang senador na makapagpyansa.
Si Enrile ay nahaharap sa kasong plunder dahil sa alegasyon ng pagtanggap ng kickback sa pork barrel fund scam.
Ang plunder ay isang non-bailable case, ngunit iginigiit ng kampo ng mambabatas na mahina ang ebidensya sa kaso kaya dapat palayain ang senador.
Bukod sa pandarambong, nakahain na rin ang graft charges laban kay Enrile ngunit hindi pa siya nababasahan ng sakdal ukol sa nasabing reklamo.