INIREKOMENDA ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsampa ng kasong kriminal laban sa sinasabing rice smuggler na si Davidson Bangayan at dating National Food Authority (NFA) administrator Angelito Banayo.
Kasong paglabag sa Government Procurement Reform Act at Article 186 ng Revised Penal Code ang isasampa laban kay Bangayan na kilala rin bilang David Tan.
Habang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang kahaharapin ni Banayo.
Bukod sa dalawa, pinakakasuhan din ng NBI ang mga miyembro ng NFA Special Bids and Awards Committee na sina Jose Cordero, Celia Tan, Gilberto Lauengco, Carlito Co, at Judy Carol Dansal.
Ayon sa NBI, ang scheme ng ilang rice traders at importers ay ang paggamit ng mga kooperatiba at organisasyon ng mga magsasaka bilang dummies sa pagsali sa bidding ng NFA upang makapag-angkat ng bigas.
Sinasabing binigyan ng NFA ng pabor ang ilang bidders kahit na wala silang kakayahang mag-angkat ng bigas. (LEONARD BASILIO)