NAG-ALOK ng pabuya ang mga awtoridad sa Olongapo City para sa itinuturing nilang public enemy number one, habang laganap ang pagbaha sa ilang bahagi ng lungsod.
Ayon kay Olongapo City Mayor Rolen Paulino, P10 ang ibabayad sa bawat mahuhuling daga habang P5 sa maliliit o bubwit.
Ngunit ang mahuhuling daga ay dapat agad na dalhin sa loob ng 24 oras makaraan mahuli at nakalagay sa ‘sealed’ bag.
Gayonman, sinabi ni Paulino, wala pang napapaulat na kaso ng leptospirosos sa nakaraang mga linggo.
Aniya, nagsasagawa na ang city government ng preventive measures laban sa pagkalat ng nasabing sakit.
Nitong nakaraang taon, idineklara ang leptospirosis outbreak sa lungsod bunsod ng naganap na pagbaha.
Ang leptospirosis ay sakit na ikinakalat ng daga sa pamamagitan ng kanilang dumi at ihi.
Kabilang sa mga sintomas ng sakit ang lagnat, pananakit ng tuhod, pamumula o paninilaw ng mata at paninilaw ng balat.