Sunday , December 22 2024

Balagtas, lalampasan ng Pandi sa kaunlaran?

00 AbotSipat ArielHINDI ko minemenos ang mga lider sa aking bayan sa Bulacan, ang dating Bigaa na Balagtas ngayon. Pero sa nakikita ko, ‘nabalaho’ ang pag-unlad ng Balagtas hindi lamang dahil napakaliit nito kung ikukumpara sa mga karatig bayan tulad ng Pandi, Guiguinto at Bocaue.

Kung iisiping isa ang Encomienda Caruya (ang orihinal na pangalan ng Bigaa na nasa kasaysayan din bilang Caluya at Caruyan) sa unang anim na bayan ng Bulacan sa ilalim ng mga Espanyol, paanong nangyaring binubuo lamang ito ngayon ng siyam na barangay?

Kapag nagpalawak sa pag-unlad ang Balagtas, matatastas ang mga bukirin lalo kung matutuloy ang North Food Exchange project na nakatengga ngayon sa Brgy. San Juan at lalamon ng ekta-ektaryang palayan. Palay at muwebles ang mga pangunahing produkto ng Balagtas at kapag naging subdibisyon o establisimyentong industriyal ang malalawak na lupain ng aking bayan ay tiyak magkakaproblema sa bigas kahit marami pa sa mga negosyante namin ang rice traders.

First-class urban municipality ang Balagtas pero sa takbo ng mga pangyayari ay baka maabutan ng karatig na Pandi na second-class rural municipality ngayon ang aking bayan. Dating bahagi ng Balagtas ang Pandi pero nang ihiwalay ito sa panahon ni Mayor Mamerto Bernardo, siyam na barangay lamang ang naiwan sa dating Bigaa. Natural lamang na ibigay ni Bernardo ang 22 barangay sa Pandi dahil lehitimong tagaroon siya kaya kinilala siyang “Ama ng Pandi.”

Masasabi kong baka dumating ang panahon na maging siyudad ang Pandi dahil pulos bata at agresibo ang nagiging lider ng bayang ito. Inuulit ko, hindi ko minemenos ang mga lider ng bayan ko, pero kahit makasaysayan ang Balagtas ay walang ginagawa ang pamahalaang bayan para mapaunlad ang turismo. Isang halimbawa ang Constantino House sa tapat mismo ng munisipyo na mabilis nilalamon ng panahon.

Kaya dapat pansinin kung paano ipinagkatiwala ng ilang multi-milyonaryong South Korean investors kay Pandi Mayor Enrico Roque na pangasiwaan ng kasalukuyang pangulo ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) Bulacan chapter ang halagang aabot sa P 10-B investment para sa lalawigan.

Naglaan ang mga Koreanong investor ng malaking puhunan para sa Bulacan dahil na rin sa tiwala kay Roque sa karanasan at kakayahang ipinamalas bilang negosyante at patunay rito ang pagkilala sa kanya bilang outstanding entrepreneur hindi lamang sa Bulacan kundi sa buong Asya.

Ayon kay Roque, sisimulan niya sa lalong madaling panahon ang pagtatayo ng naglalakihang negosyo sa iba’t ibang bayan sa Bulacan partikular na sa mga bayang walang kapasidad o kulang sa pondong pinansiyal upang makapagpatayo ng komersiyo gaya ng mga pamilihang bayan.

Nakatakda niyang ipatayo ang mga commercial complex at supermarkets tulad ng Savemore, Puregold, leading drugstores gaya ng Mercury drugs, bigtime na foodchains tulad ng Jollibee at McDonalds at private markets para sa mga bayang wala pang pamilihang bayan.

Kabilang din sa P 10B investment ang kauna-unahang outlet store sa bansa na makikita ang aabot sa 400 na kilalang imported brands mula sa iba’t ibang bansa gaya ng Prada, Coach, Ferragamo at Tods na itatayo sa may 15 ektaryang lupain sa Bulacan.

Nilinaw ni Roque na nakita ng mga Koreanong investor ang strategic location ng Bulacan para sa mga industriya at negosyong kanilang itatayo dahil ang lalawigan ay sentro o napapagitnaan ng Ninoy Aquino International Airport sa Metro Manila at Clark International Airport sa Angeles City, Pampanga.

Isa rin sa malaking investment ang planong pagpapatayo ng mga manufacturing business sa loob ng gagawing panibagong Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa Bulacan.

Sabi nga ni Roque: “Nagiging magnet na ng investments at dumadagsa na sa Bulacan ang mga foreign at local investors dahil sa mabilis na pagyabong ng lalawigan bunga ng magandang pamamahala ng ating provincial leaders sa pangunguna ni Gov. Willy Sy-Alvarado.”

Natuwa ang mga kapwa alkalde sa mga proyekto ni Roque dahil ang pagsisikap ng batang alkalde ay solusyon sa problema sa unemployment sa kanilang bayan at magiging daan ang nasabing mga proyekto para magtuloy-tuloy ang kanilang progreso.

Idinagdag ng alkalde na tinumbasan lang niya ang tiwalang ibinibigay sa kanya ni Alvarado pati ng mga kapwa alkalde sa kanyang pamumuno sa LMP- Bulacan chapter.

Kaya sa aking mga kababayan sa Balagtas, huwag tayong magtaka kung bakit mas aasenso ang Pandi sa ating bayan at posibleng maging highly-urbanized city ito sa loob lamang ng 10 taon.

Ariel Dim Borlongan

About Ariel Dim Borlongan

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *