Hi po Sir,
Mahilig aq s horror movies, nnginip aq ng mga zombie ang dami2 dw kaya natkot aq sobra, tpos hinabol nila aq at tkbo2 dw aq, ano kya mean. ni2? Dahil kya yun sa napanood q zombies? slamat po, don’t post my cp,.. – Mellie..tnx again!
To Mellie,
Ang panaginip ukol sa zombie ay nagpapakita ng kawalan o kakulangan mo ng pakikipag-ugnayan sa mga kaganapan at mga taong malapit o nakapaligid sa iyo. Maaari rin na ito’y nangangahulugan din ng kawalan ng emosyon sa pang-araw-araw na buhay mo, na ginagawa mo lang ang mga bagay-bagay dahil kailangan ito ng routine ng iyong buhay. Makabubuting alisin ang mga negatibong elemento sa iyong paligid at ibaling sa mga magagandang bagay ang iyong isipan, lalo na kapag malapit ka nang matulog. Ito ay maaaring nagsasaad din ng ukol sa pag-iwas mo sa mga bagay na hindi ka tiyak kung ano ang magiging kasagutan o kaya naman, kung ano ang magiging kahihinatnan, kaya ganito ang naging tema ng iyong bungang-tulog. Subalit dapat harapin ang mga bagay na ito upang magkaroon na ng closure.
Hinggil naman sa panaginip mo na ikaw ay hinahabol, posibleng nagpapakita ito na ikaw ay umiiwas sa sitwasyon na sa palagay mo ay hindi mo magagawa o wala kang mapapala. Kadalasan din na ito ay isang uri ng metaphor na nagsasaad ng iyong insecurity. Ang pagtakbo mo ay nagsasaad ng pag-iwas mo sa ilang isyu, hindi mo tinatanggap ang anumang responsibilidad sa mga bagay na nagawa mo. Sa kaso mo, since sa panaginip mo’y tumatakbo ka at umiiwas, ito ay may kaugnayan sa hindi mo pagharap sa mga bagay na kinatatakutan mo. May pagkakataon na nakadarama ka ng kawalan ng pag-asa. Gawin mong produktibo ang iyong buhay, ang mga negatibong bagay sa iyo ay baligtarin at gawing positibo. Magkaroon ka ng tiwala sa sarili at mag-focus sa mga mithiin sa buhay.
Posible rin na ang isa sa rason ng panaginip na ganito ay dahil sa napanood mong horror movies at ukol sa zombies, lalo na kung ginagawa mo ito bago matulog.
Señor H.