INATASAN ni Pangulong Benigno Aquino III si Cabinet Secretary Rene Almendras na plantsahin ang hindi pagkakaunawaan ng mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Metro Manila Development Authority (MMDA) kaugnay sa mabagal na daloy ng mga sasakyan sa Kalakhang Maynila.
Sinabi ni Communications Secretary Hermino Coloma Jr., komplikado ang isyu dahil parehong may katwiran ang LTFRB na ayusin ang daloy ng mga sasakyang pampubliko at habang ang MMDA ay upang maibsan ang pagsikip ng kalsada kaya papasok na sa eksena si Almendras para makabuo ng katanggap-tanggap na solusyon sa iringan ng magkabilang panig.
“Magkakaroon ng pagpupulong sa loob ng linggong ito na ang mangunguna ay Cabinet secretary para kunin ang input ng iba’t ibang mga ahensiya ng pamahalaan at humanap ng common ground na pwedeng pagbatayan ng isang katanggap-tanggap na course of action,” ani Coloma.
Iginiit ni Coloma, hindi na kailangan ng LTFRB ang basbas ng Palasyo nang ipatupad ang “no apprehenshion policy” sa truck at bus dahil ito’y isinagawa ng ahensya nang naaayon sa kanilang pag-unawa sa kanilang mandato sa batas.
(ROSE NOVENARIO)