IKINAGALAK ng pamunuan ng PDEA ang naging hatol ng korte na habambuhay na pagkabilanggo laban sa tatlong Chinese nationals dahil sa pag-operate ng shabu laboratory sa Parañaque at pinagbabayad ng tig-P10 milyong piso ang bawat akusado.
Napatunayan ng Parañaque City Regional Trial Court Branch 259, na guilty beyond reasonable doubt dahil sa pagpapatakbo ng shabu laboratory ang tatlong Chinese na kinilalang sina Chu Kin Tung alyas Tony Lim, Wong Meng Pin alyas Chua, Li A Ging alyas Lee Ah Ching.
Ang mga akusado ay may kasong paglabag sa Section 8 at Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay PDEA Director General Arturo Cacdac, isang magandang balita para sa ahensiya ang paghatol na guilty ni Judge Suarez laban sa tatlong Chinese.
Naaresto ang tatlo ng mga operatiba ng PNP-AIDSOTF noong Enero 29, 2010 nang salakayin ang warehouse sa No. 144 Concha Cruz Drive, BF Homes, Parañaque City, batay sa search warrant.
Nakompiska sa nasabing raid ang hindi mabilang na volume ng shabu, iba’t ibang uri ng mga kagamitan at apparatus sa paggawa ng shabu, isang Glock pistol na may suppresor, at isang hand grenade.
Samantala, ang mga co-accused sa kaso na sina Robin Bayubay at Xiu Xiu ay hindi pa nababasahan ng sakdal at nananatiling at large hanggang sa kasalukuyan.
HATAW News Team