PUMALAG ang Malacañang sa giit ng mga mambabatas na imbestigahan ng Kongreso ang epekto ng conditional cash transfer (CCT) program.
Una rito, sinabi nina Sen. Bongbong Marcos at House Minority Leader Ronaldo Zamora, walang patunay na nabawasan ang bilang ng mga mahihirap na pamilya sa bansa dulot ng CCT program.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, mainam na mismong bumaba sa mga baranggay ang naturang mga mambabatas upang aktwal na makita ang epekto ng CCT program.
Ayon kay Coloma, pinatunayan ng pag-aaral ng World Bank na malaki ang epekto ng CCT program sa mga mahihirap na pamilyang Filipino.
Binanggit pa ni Coloma, hindi na kailangang magpatawag ng imbestigasyon sa CCT program dahil naitatanong sa DSWD ang naturang isyu lalo’t nakakasa na ang budget hearing sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Umaabot ng P64.7 billion ang ilalaan ng pamahalaan para sa CCT program sa susunod na taon kompara sa P29 billion lamang noong 2011.
(ROSE NOVENARIO)