TALAGA palang sold out ang gala night ng Hustisya ni Nora Aunor. Nakita naming punompuno ang CCP Theater sa mga photo sa Facebook.
Hindi nagdamot ng tulong ang mga Noranian. Talagang naghakot sila ng fans at sama-samang nanood ng Cinemalaya entry ni Ate Guy. Kitang-kita sa mga picture na naglabasan sa social media ang dami ng tao na sumuporta sa Superstar.
Kaya lang, mayroon palang nangyari habang nanonood ang mga tao. Nawala ang importanteng memorabilia about the Superstar.
“Dumalo ang Nora Aunor doll sa CCP gala night ng Cinemalaya film na ‘Hustisya’, pero sa gitna ng komosyon ay naiwaglit ng may hawak. Nananawagan po kami sa nakapulot sa Nora Aunor memorabilia na ito sa CCP. Hindi po ito personal na pag-aari kundi isang mahalagang memorabilia para sa Noranian section ng Iriga City Public Library. Mangyari lamang pong ipaalam dito ang anumang impormasyon ukol sa nawawalang vintage doll. Marami pong salamat.”
‘Yan ang nabasa namin sa aming Facebook account na panawagan ng isang Noranian na siguro ay siyang may hawak ng Nora Aunor doll na naka-glass case pa na nakita namin sa Facebook.
Sa excitement siguro ay hindi niya naalala kung saan niya nailagay ang manika o kaya naman ay may nanghiram dito para magpa-picture kasama ang manikang nagpasikat kay Ate Guy.
Kaya kng sino man ang aksidenteng nakakuha ng memorabilia ni Ate Guy, sana ay maisauli na ito dahil importante itong bahagi ng Nora Aunor collection sa Bicol.