Kasi nga raw ay natatali siya sa kung ano-anong mga gawain na ipinagagawa ng among Tsino. At sa pakikipag-usap sa cp nang tawagan niya ang dalaga ay mababakas sa tinig nito ang lungkot: “Sorry talaga. At ‘wag ka sanang magagalit, ha?”
Simbuyo ng nag-uumalpas na damdamin ay bigla nadulas ang kanyang dila.
“Magagawa ko bang magalit sa ‘yo, e, mahal kita… mahal na mahal kita, Ligaya!” aniyang nag-uumapaw sa dibdib ang pag-ibig.
Nawalan ng kibo ang kausap niya sa cp. Pero naulinigan niya ang pigil na paghikbi nito. At nang paulit-ulit siyang mag-hello ay umiiyak na ito. At labis na nagpaligaya sa kanya ang dahilan niyon: “Ang daya mo… Kaytagal-tagal kong hinintay na marinig ‘yan, e, bakit ngayon mo lang sinabi?”
Nagsisigaw si Dondon sa pagbubunyi.
“Yahooo! Mahal din pala ako ng mahal ko!” aniya sa paglukso-lukso.
“Hoy! Hindi pa naman kita sinasagot ng ‘oo.’ Ah. Ulitin mo muna ‘yung sinabi mo sa ‘kin kanina,” ang paglalambing sa kanya ni Ligaya.
“Sabi ko kanina… ‘Mahal na mahal kita.’ O, sagutin mo na…”
Kinilig ang puso ni Dondon nang pa-bulong na bigkasin ni Ligaya ang mga ka-tagang “mahal din kita!”
Buhat noon ay nagmistulang teknikolor ang buong paligid niya, kahit umuulan o bumabagyo man. Nagkaroon siya magandang dahilan para mabuhay. At nabigyan din ng kahulugan ang pagpapatianod niya sa daloy ng kapalaran.
“Kung magiging maingat ka, Kosa, ay madaling aasenso ang buhay mo,” ang paalala sa kanya ni Helicopter.
Lumaki nang lumaki ang kita ni Dondon nang madagdagan nang madagdagan ang binabagsakan niya ng droga. Nakaka-bili na siya ng mamamahaling gamit na pansarili. Lagi nang may laman ang pitaka niya sa araw-araw. At nakapag-iipon-ipon na siya ng dadaanin at lilibuhing salaping papel sa ilalalim ng kanyang mga damit sa loob ng isang munting cabinet.
Ang masaklap ay hindi man lamang niya mai-date si Ligaya. Sobra umano ang paghihigpit sa dalaga ng among Tsino. Pag-uwi raw buhat sa pagdidispatsadora ay hindi na ito pinapayagang lumabas ng bahay. At gayondin naman maging sa mga araw ng day-off nito.
“Gusto ko nang mag-resign sa trabaho, e, ayaw naman akong payagan hangga’t wala raw pamalit sa pwesto ko,” ang sumbong ni Ligaya kay Dondon nang magkausap sila sa cp. (Itutuloy)
ni Rey Atalia